ALMORANAS 

Ang pahayag na ito ay galling kay Dr. Nolan O. Aludino ng Department of Surgery sa Ospital ng Maynila Medical Center. 

Nahihirapan ka bang dumumi? Meron ka bang nararamdang bukol na lumalabas sa daanan ng dumi? Ikaw ba ay dinudugo? Kung Oo ang sagot mo sa mga katanungang ito,  maaring ikaw ay may almoranas. 

Ang almoranas ay isang kondisyon kung saan may bukol na tumutubo sa iyong puwit. Ang bukol na ito ay hindi kanser at hindi dapat itong katakutan. Kahit ganito pa man, hindi rin dapat ito isawalang bahala. Ang almoranas ay maaring magdulot ng matinding pananakit sa daanan ng dumi. 

Ang almoranas ay maihahalintulad natin sa  mga “varicose veins” natin sa ating mga hita. Ang mga almoranas ay binubuo ng mga ugat sa puwit na namamaga o lumalaki katulad ng mga “varicose veins.”

Ano ba ang mga simtomas na pinagdadaanan ng isang taong may almoranas. Ang pinakamadalas na reklamo ng isang taong may almoranas ay ang pagkakaroon ng dugong sumasabay sa dumi. Isa pang reklamo ng mga taong may almoranas ay ang pagkakaroon ng bukol sa puwit. Ang bukol na ito ay maaring kusang nawawala at bumabalik o maari ding ito ay hindi na nawawala.

Madali lang ang paggamot sa almoranas. Ito ay tinatanggal sa pamamagitan ng isang simpleng operasyon. Ang bukol na siyang nagiging dahilan ng mga simtomas ng almoranas katulad ng pagdudugo at sakit ay tinatanggal. Ang operasyon na ito ay ginagawa habang ang pasyente ay may “anesthesia.” Walang nararamdaman ang pasyente habang isinasagawa ang operasyon. Ang operasyon na ito ay sandali lamang at maaring umuwi na ang pasyente pagkatapos ng isang araw.

 Kung sa tingin mo ay may almoranas ka, maari magpunta sa Ospital ng Maynila sa may Quirino Ave corner Roxas Boulevard para magpagamot. Maari ding tumawag sa telepono ng Ospital ng Maynila 524-6061 loc 300 at hanapin lamang si Dr. Nolan O. Aludino para sa inyong mga katanungan.

 

 

Home          Previous Page